Magsisimula na ngayong Lunes, March 5, ang pinakaaabangangang drama sa hapon na tiyak na hihipo sa damdamin ng bawat manonood at kukwestiyon sa tunay na kahulugan ng salitang “pagmamahal” – Hiram na Puso.
Itinatampok sa Hiram na Puso sina Kris Bernal, Bela Padilla, Polo Ravales at Mark Herras kasama sina Candy Pangilinan, Ana Marin, Wynwyn Marquez, Marc Acueza, Ayen Laurel, Gardo Versoza at si Ms. Gina Alajar.
Ang Hiram na Puso ay tungkol sa pambihirang pagmamahal ng isang inang gagawin ang lahat – kahit ang paglaban sa kanyang konsiyensiya -- para lang mabigyan ang kanyang anak ng pagkakataong mabuhay. Si Zeny (Gina Alajar) ay isang nursing student na mabubuntis ng kanyang boyfriend, ngunit hindi siya pinanindigan nito. Magsisilang siya ng kambal ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana sa kanya dahil ang isa sa kanyang kambal na anak ay may malubhang karamdaman sa puso at mangangailangan ng agarang operasyon. Ngunit dahil walang wala si Zeny, naging desperado siya hanggang sa may lumapit sa kanya at nag-alok ng tulong kapalit ng kakambal ng batang may sakit. Sa kagustuhang iligtas ang kanyang anak, tinanggap niya ang alok. Pagkatapos ng operasyon, tinupad niya ang usapan at ipinaampon niya ang isa niyang anak. Ang natatanging anak naman na natira sa kanya ay pinalanganan niyang Lira (Kris Bernal).
Pagkalipas ng halos 19 taon, bumalik ang sakit sa puso si Lira, at ang makakapagligtas lang sa kanya ay isang heart transplant. Ngunit walang pera at kuneksiyon si Zeny para makahanap ng organ donor para sa kanyang anak. Isang gabi, nakasaksi si Zeny ng isang hit-and-run accident na kinasasangkutan ng isang dalagang halos ka-edad lang ng kanyang anak. Isusugod na sana ni Zeny ang biktima na si Angeline sa ospital ngunit napagisip-isip niya na kung hahayaan niyang mamatay ang biktima, maaari niyang hilingin sa mga magulang nito ang kanyang puso para sa transplant ni Lira. Hindi muna isinugod ni Zeny ang biktima sa ospital. Ngunit matapos ang ilang oras, dala na rin ng pagkabagabag ng kaniyang konsiyensiya, nagdesisyon siyang itakbo na sa ospital ang naghihingalong dalaga. Ngunit huli na ang lahat. Na-comatose si Angeline at tuluyan itong namatay. Palibhasa hindi alam ang totoong sinapit ng kanilang anak, nagpasalamat ang mga magulang ni Angeline na sina Leo at Roxanne (Gardo Versoza and Ayen Laurel) kay Zeny at buong-pusong ibinigay ang puso ng anak para sa operasyon ni Lira. Tuwang tuwa si Zeny dahil hindi na nawawalay sa kanya ang kanyang anak. Ngunit hindi magtatagal ay babawi sa kanya ang pagkakataon.
Pagkatapos ng heart transplant ni Lira ay mapapansin ng kanyang ina ang mga pagbabago sa pag-uugali nito. Ang dating mabait at responsableng Lira ay naging “party-goer” at napapa-barkada na. Tila nalipat sa kanya hindi lang ang puso ni Angeline, maging ang pagkatao nito. Ang mas malala pa, unti-unting mahuhulog ang loob ni Lira kay Prince (Mark Herras), ang lalaking ginusto ni Angeline. Ngunit si Prince ay gusto rin ng kambal ni Lira na si Vanessa (Bela Padilla), na walang kaalam-alam na ang kaagaw niya ay ang sariling kambal.
Habang tumatagal ay lumalayo na rin ang damdamin ni Lira kay Zeny, habang napapalapit naman ang loob nito sa mga magulang ng nagkaloob sa kanya ng kanyang puso.
Ginawa ni Zeny ang lahat, sinuway ang utos ng kanyang konsiyensiya, upang mailigtas ang kanyang anak sa bingit ng kamatayan. Ngunit ngayong ligtas na sa kapahamakan ang kanyang anak ay pilit naman itong binabawi sa kanya ng tadhanang lubusan niyang pinagkakautangan.
Sa direksyon ni Andoy Ranay, konsepto at panulat ni Suzette Doctolero, ang Hiram na Puso ay binuo ng production team na pinamumunuan nina Hazel Abonita (Program Manager) at Jojo Aleta (Executive Producer) kasama ang creative team na binubuo nina Jun Lana (Creative Director), Roy Iglesias (Creative Head), Des Garbes-Severino (Creative Consultant) at Suzette Doctolero (Head Writer).
Magsisimula na ang Hiram na Puso ngayong Lunes, March 5, pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.
Tweet
Share



0 comments for this post